. COOPERATIVE EDUCATION ON SYNERGISM Sanib-Kolum nina Ding Reyes at Joydee Robledo . |
(This page has a CYBER TALK-BACK instant feedback box at the bottom.) |
Tunay na Pagtulong sa mga Kooperatiba (Agosto 8, 2001) MABANGO ang katagang “kooperatiba” sa larangan ng mga usaping pangkabuhayan. Alam naman kasi ng nakararami na ang koop ay nagdadala sa kapakanan ng maraming tao. Kaya madaling mahikayat tumulong sa koop ang sinumang may kakayahang magbigay ng tulong. Pero hindi lahat ng gustong tumulong sa mga koop, hindi lahat ng may aktwal na ngang iniaabot na tulong, ay talagang nakakatulong sa kanila. Katunayan, sa maraming pagkakataon, di man sinasadya ay nakakapinsala pa nga ang ilang anyo ng tulong. Parang
mahirap intindihin ang sinabing ‘yon ni Joydee, mga kaibigan, pero
totoo po ito sa naging mahaba-haba na ring kasaysayan ng kooperatibismo
sa Pilipinas. Marami nga
pong nakakaalam na kolektibong kapakanan ng maraming tao ang nasa koop
at, kung gayon, kapag tulungan mo ang isang koop ay natutulungan mo na
sabay-sabay ang maraming tao. Pero… Pero, kapag ginagamit lang daluyan ang koop para matulungan ang maraming tao, sa paraang di naaayon sa esensya ng koop, napipinsala pa nga ang kooperatiba. Halimbawa, sa pinakasimpleng anyo ng tulong – pera. Kapag iniabot iyan sa koop para ipamahagi bilang donasyon o kahit pautang sa mga myembro ng koop, ibig sabihin, kapag ginawang simpleng daluyan o tagapagpamudmod ng pera ang koop, napipinsala ang koop sa dalawang paraan: una, natuturuan ang koop, ang mga lider at kasapian nito, na maging palaasa sa perang ibinibigay o ipinapautang mula sa labas; at pangalawa, ang anumang pamamahagi ng pera ay madalas pagmulan ng mga pagkakahati-hati sa hanay ng mga kasapi—hinalaan sa isa’t isa, inggitan, intrigahan. Mahalaga
pong mga epekto ito. At
mahalaga ang paglilinaw dahil ang ganitong klase ng tulong – donasyon
at pautang – ay talaga namang nanaising makuha ng mga lider at kasapi
ng koop na hindi talaga nakapagbuo ng sama-samang malasakit sa
pangmatagalang panloob na katatagan ng kanilang kooperatiba.
Eh ano kung palaasa, sasabihin ng iba dyan, kung pumapasok ba ang
pera eh di ang lahat ay masaya, tama?
Mali. Ang palaasa ay walang katiyakan na may susunod pang
darating na abuloy; kung utang naman ang pinag-uusapan, panandaliang
biyaya ito dahil tiyak na darating ang panahon ng bayaran, at may
interes pa yan! Taliwas
sa esensya ng koop ang pagiging palaasa. Ang koop kasi ay itinatayo sa
diwa ng sama-samang pamumuhunam, sama-samang pagnenegosyo, sama-samang
pag-asa sa sariling pagsisikap, sama-samang pag-aangking-lakas o
empowerment, at sama-samang pag-asenso.
Hindi po kasama rito ang sama-samang pagmamakaawa.
At
matinding tukso ngang talaga ang maging palaasa habang umaasang
tuluy-tuloy pang papasok ang grasya. At sa pangalawang epekto, alam nating mabilis at matinding makapanghati ang pera. Balita pa nga lang na may perang paghahatian ay magsisimula na ang mga pagtatalo at pag-iintrigahan. Eh di anong mangyayari ngayopn sa diwa ng pagkakaisa, at pagsasanib-lakas na siyang kaluluwa ng kooperatibismo? Mabilis na masisira! Hindi
po namin sinasabi dito na walang perang dapat ibigay sa kooperatiba,
pero ang perang ito po ay dapat bahagi ng isang lehitimong
pakikipagtransaksyon sa koop bilang negosyo, batay sa kalidad ng
serbisyo o produktong ibinebenta nito.
Sa
ganitong konteksto, ang pagiging karapat-dapat ng koop na tumanggap ng
ganitong pera ay sama-samang gagampanan ng mga myembro, mga myembrong
patuloy na aasa sa kanilang sariling puhunan, sariling pagsisikap,
sariling pangangasiwa, at sariling pagpapakahusay. Ang makukuha nila sa
perang pumasok ay nasa anyo ng mas malaking dibidendo at sa anyo rin ng
matatag na kooperatibang sandigan ng kanilang sama-samang pag-asenso. Paanong tutulungan ang mga kooperatiba? Tangkilikin sila sa kanilang pagnenegosyo! |
||
TINIG NG MGA
KOOPERATIBA |
Inilalabas tuwing Miyerkoles ng Bayan News Publishing Cooperative at nagtatampok sa mga kaganapan at usapin ng mga kooperatiba ng Pilipinas, patakaran, programa at batas at lahat ng iba pang dapat malaman ng mga namumuno, nagtataguyod at nag-aaral sa mga kooperatiba. May opisina ito sa Cor. Sta. Catalina and Biak-na-Bato sts., Bgy. Sienna, Quezon City. Para sa dealership o subscriptions, tumawag po sa 4144733. |
|