. SANIBLAKAS FOUNDATION COOPERATIVE EDUCATION ON SYNERGISM Sanib-Kolum nina Ding Reyes at Joydee Robledo . |
(This page has a CYBER TALK-BACK instant feedback box at the bottom.) |
Tiwala Bilang Kapital ng mga Kooperatiba (Hunyo 27, 2001) PAGLABAS nitong kolum, tapos na ang General Assembly ng Philippine Cooperative Center, pinakamalaking sentro ng mga koop sa Pilipinas. At nakaskedyul din na magpirmahan sa isang “Covenant for Coop-LGU Partnership” na ang nakatakdang pumirma ay PCC, League of Provinces of the Philippines, Cooperative Development Authority at Department of Interior and Local Government. Importanteng event po ito, formalization ito ng papalakas ng tambalan ng coops at mga pamahalaang lokal sa iba’t ibang lugar. Ito nga pong ka-team kong si Joydee ay isa sa mga nakasentro sa proyektong ito. Inaasahan po kasi na sa pagtatambalang ganito ay magsasanib ng kani-kanyang kakayahan ang mga kooperatiba at local government units para pahusayin ang serbisyo sa komunidad at isulong ang local socio-economic development. Ikaw, Ding, nagtuturo ka nga pala sa Asian Social Institute ng synergism in cooperativism, ano ba’ng masasabi mo? Gamitin man o hindi ang salitang “synergy,” ito ang prinsipyo na sana’y maisabuhay sa ganitong pagtatambalan. Mismong koop nga kasi, isang pagsasanib-lakas na; trabaho naman ng LGU na buklurin nang mahigpit ang diwa at kakayahan ng mga tao para sa sama-sama nilang pag-unlad. Tapos, magtatambal pa ang dalawang ito... Tatalakayin ba sa klase mo yung social capital? Oo naman! Kasi nga, hindi pera lang ang kapital ng kooperatiba at di rin pera lang ang resources ng komunidad. Bahagi ng social capital ang pagkakaroon ng aktibong mga samahan, pormal man o hindi pormal, na nag-uugnay sa maraming tao para harapin ang mga problema at isulong ang kapakanan nilang lahat. Kaya mahalaga itong mga pormal na tambalan sa pagitan ng LGUs at coops bilang bahagi ng social capital. Pero sinabi mo minsan, may mas malalim pang bagay diyan sa social capital. Ipaliwanag mo nga raw... Sa lahat ng ugnayan ng mga tao, mahalagang factor ang pagtitiwala. Sa loob pa lang ng mga koop, kung kapos ang tiwala ng myembro sa namumuno, mabuway na. Pero okey lang yon sa mga pinunong di mapagkatiwalaan dahil imbes na aktibong magbantay, nawawalan lang basta ng gana ang myembro at nakakalusot tuloy ang mga milagro. Corruption yan! Paksa natin yan nung nakaraan! At dahil diyan, maraming koop ang nanghihina. Paanong magdedesisyon ang LGU na makipagtambal kung ganoon ang koop? Sa gobyerno rin, alam ng lahat itong corruption. Kaya marami ring koop na asiwang makipagtambalan sa gobyerno. Eh, hanggang national government pa yan! Kailangan sigurong maglinis ng kanya-kanyang bahay at bakuran ‘tong mga koop at ang gobyerno. Para mabalik ang pagtitiwala at di mawala yung trust na nar’yan pa. Para di maglaho ang social capital. At para di maglaho ang lahat ng klase ng kapital! May napakagandang mga pagkakataong nalilikha sa pagtatambal ng coops at LGUs. Maging karapat-dapat lang sana ang lahat ng mai-involve. Alagaan po natin ang hawak pa nating kayamanan. Kasama po d’yan ang pagtitiwala, na bahagi ng ating social capital. Lahat sana tayo’y maging aktibo at matapat. At sa pagbabantay naman ay huwag malilingat!
|
||
TINIG NG MGA
KOOPERATIBA |
Inilalabas tuwing Miyerkoles ng Bayan News Publishing Cooperative at nagtatampok sa mga kaganapan at usapin ng mga kooperatiba ng Pilipinas, patakaran, programa at batas at lahat ng iba pang dapat malaman ng mga namumuno, nagtataguyod at nag-aaral sa mga kooperatiba. May opisina ito sa Cor. Sta. Catalina and Biak-na-Bato sts., Bgy. Sienna, Quezon City. Para sa dealership o subscriptions, tumawag po sa 4144733. |
|