. SANIBLAKAS FOUNDATION COOPERATIVE EDUCATION ON SYNERGISM Sanib-Kolum nina Ding Reyes at Joydee Robledo . |
(This page has a CYBER TALK-BACK instant feedback box at the bottom.) |
Paanong Lalabanan ang 'Corruption' (Hunyo 20, 2001) MALIIT pa ako, pinag-uusapan na ‘yang corruption. Di matapus-tapos na usapan, birahan, pangakong wawakasan. Pero hayan, nar’yan pa rin buong paligid natin! ‘Nong sey mo, Ma’am? Pinakalaganap daw na sakit ito sa ‘ting lipunan, nasa ugali na raw, e! Kaya nga raw marami ang nasa pulitika, dahil pag nakaupo na ay kakabig dito sa... Ang Corruption! Bow! Nasa lahat ng dako ito, at syempre pati sa hanay ng mga kooperatiba. O, di po ba? Aminin!!! At sa pagpasok nga nitong corruption sa bawat himaymay ng sistemang nai-infect nito, syempre napapahina at nasisira ang buong sistema. Lahat ng kasali, tinatamaan. Sa pulitika nga, dahil sa inabot nang kalalaan, kahit ang mga corrupt at mga pamilya nila mismo ay nabibiktima ng corruption. Tumataas ang presyo ng mga transaksyon, at ang mga taong galit sa lagayan pero naglalagay din ay nalulubog sa paglala ng ganitong sistema. Ang mga koop naman, imbes na maging mabisang mekanismo para sa sama-samang pagnenegosyo at sama-samang pag-asenso ng mga myembro, nagiging gatasan lang ng iilang lider at mga kamag-anak at kabarkada nila. Yun namang mga myembrong matino ay nahahati sa dalawa—-yung di na makatagal sa nakawan kaya umaalis na lang, at yun namang napapailing muna, tapos napapangiti nang konte, at pagtagal eh sumasang-ayon at pumaparte na sa nakawan. Kaya patuloy at lumalala ang corruption. Kawawang coop! Kawawang kasapian! Sayang ang mga pagkakataon para sa kapakanan sana ng lahat. Kapakanan
ng lahat! Yan nga talaga ang biktima ng corruption sa kooperatiba at
kahit sa government. Sa koop, kung mahigpit lang sanang napapanghawakan
ng lahat ang pinakabatayan kung bakit nagtatayo ng mga koop in the first
place, yung pagsama-sama ng ating mga pera at pagod para sa kapakanan ng
lahat, ni hindi sana papasok ang tukso ng corruption. Oo nga! Kasi, ang mga mahahalal na lider ay yun lang tapat sila sa kapakanan ng lahat. Kung may maiboto mang makasarili o kung naging makasarili matapos mahalal, di rin makakalusot ang anumang pandaraya sa kapakanan ng kasapian kung aktibong nagbabantay ang kasapian sa takbo ng sama-sama nilang negosyo, sa nangyayari sa pinagsama-sama nilang puhunan. KUNG!
Kung ang kapital ng koop ay pinagsama-sama nga nilang puhunan at hindi
mula sa labas. Kung malaki-laki ngang puhunan ang itinaya ng bawat
kasapi at hindi barya-barya lang. Kung pagsasanib-sanib ng lakas nila sa
pag-iisip atsaka sa pagtatrabaho ang basis mismo ng sama-sama nilang
negosyo. Ang kaso, maraming hindi gano’n eh. Andaming “kung” n‘yan. Yun namang marami-raming koop sa Pilipinas ay nabubuhay dahil may mga maabilidad makakuha ng pondo sa labas, at ang kasapian naman ay di na aktibong sumasama sa mga pagpapasya at sa pangangalaga ng pondo nila. Eh di rin naman kasi nila nararamdamang sa kanila yon, eh. Parang
katawan din ng tao ‘yan. Pag wala nang kaluluwa, naaagnas, bumabaho.
Kapag wala ang kaluluwang prinsipyo ng kooperatiba, ang sama-samang
pagnenegosyo at sama-samang pakinabang, kahit kumpleto sa lahat ng
papeles at rehistrado sa CDA, wala rin. Lulunukin lang nang buo ng
corruption. Kaya nga nasa myembro talaga ang solusyon! Kung ayaw nila ng
ganito, mag-aaktibo sila sa lahat ng bahagi ng buhay-koop -- eleksyon,
pagdedesisyon, at sa pagbabantay at
pagpapalaki sa sarili nilang pondo, lahat. Mga ‘tol, di pa naman siguro huli ang lahat sa sari-sariling koop natin diyan! Gumising na tayo’t buhayin natin!
|
||
TINIG NG MGA
KOOPERATIBA |
Inilalabas tuwing Miyerkoles ng Bayan News Publishing Cooperative at nagtatampok sa mga kaganapan at usapin ng mga kooperatiba ng Pilipinas, patakaran, programa at batas at lahat ng iba pang dapat malaman ng mga namumuno, nagtataguyod at nag-aaral sa mga kooperatiba. May opisina ito sa Cor. Sta. Catalina and Biak-na-Bato sts., Bgy. Sienna, Quezon City. Para sa dealership o subscriptions, tumawag po sa 4144733. |
|