. SANIBLAKAS FOUNDATION COOPERATIVE EDUCATION ON SYNERGISM Sanib-Kolum nina Ding Reyes at Joydee Robledo . |
(This page has a CYBER TALK-BACK instant feedback box at the bottom.) |
Ugnayan ng Kooperatiba at Kapaligiran (Mayo 30, 2001) SA HUNYO 5, World Environment Day na! Buhay na buhay ang slogang “Green Families for Green Communities!” Sa darating na Linggo, June 3 pa lang e marami nang magiging kasayahan diyan sa Lungsod-Kalikasan-Ninoy Aquino Parks & Wildlife malapit sa Quezon Circle, QC. Punta kayo! Isama n’yong pamilya n’yo! Tututukan po namin ngayon ni Ding ang pagtalakay sa kaugnayan ng kooperatibismo at pangangalaga sa kapaligiran. Ano’ng mapapala ng mga koop dito? Ano naman ang magagawa nating nasa sektor-kooperatiba para rito? Pag-isipan po natin. At pag-usapan! Samantala,
sa wakas ay matatapos na rin namin ngayon ang lahat ng pagpapakilala sa
aming kolum sa inyong mga bumabasa! Si Joydee naman ngayon ang ipinapakilala...
Nakasentro po siya sa isang malaking proyekto ukol sa partnerships ng
mga kooperatiba at local government units, Proyekto ito ng Cooperative
Development Authority (CDA) ng gubyerno, Philippine Cooperative Center (PCC)
ng sektor-kooperatiba, at United Nations Development Programme (UNDP).
May pilot areas sila sa anim na lugar sa kapuluan.
Noong 1998 naman, bilang pagbati sa 25th National Congress ng
Visayas Cooperative Development Center o VICTO na idinaos sa Bohol,
nagpaliwanag siya sa pag-angkin at paglalapat ng prinsipyo ng
pagsasanib-lakas o synergism sa buhay-koop. Sa SanibLakas Foundation
naman, co-founder siya at Board secretary, maliban pa sa pagiging
“executive director on leave.” Nasa high school pa lang sa Colegio del Buen Consejo sa Pasig, nagpasya na siyang mag-impok sa coop bank sa iskwelahang iyon, kaysa sa isang commercial bank. Para daw ang naiipon niya ay magamit ng mga myembro ng koop na puro gipit sa kabuhayan. Ang gandang halimbawa ng ganoong layunin para sa mga sumasapi sa kooperatiba! Talakayin na natin ang relasyon ng cooperativism sa environmentalism. Papalapit ang World Environment Day, at katatapos lang ng Earth Day noong Abril. Talagang di na bago sa mga Pinoy ang ganitong mahahalagang okasyong ipinagdiriwang sa lahat ng nasyon. Pero sabi nga ng isang kaibigan ko, “E bakit ang dami naman ng mga ganyan?” Nagkasunod lang naman -- dadalawa lang yan! Lumikha lang kasi ng mga okasyon para naman sa buong mundo ay sabay-sabay na harapin ng mga tao ang malalaking problema ng kapaligiran. Bukas na at mulat ang isip ng paparaming Pinoy na kagyat na kailangan ang ganitong pagpapahalaga sa kalikasan, lalo na sa mga panahong gaya ngayon. Patuloy nga kasing lumalala ang kondisyon ng hangin, ng tubig, ng buong kapaligiran nitong planetang Daigdig o Earth, ang ating iisa lamang na mundong tahanan. Kaya’t
‘pag ganitong mga okasyon, maraming-maraming tao -- mga nasa gobyerno,
mga kompanya at non-government organizations, kasama ang buu-buong
pamilya nila -- ang sama-sama sanang nag-iisip, nag-uusap at humahakbang
para pigilin ang patuloy na pagkasira ng kalikasan. Tapos, ituloy na
sana sa buong taon, kabalikat ng mga maka-kalikasang samahang nakikilala
nila sa ganitong mga okasyon. Gaya ng maraming grupo at samahang kilala sa pagiging environment advocates, hangang-hanga rin ako sa mga kooperatiba na tahimik man ay epektibo ring nakapagsasagawa ng mga hakbang na nakakatulong sa pagsusulong ng pangangalaga sa kapaligiran. Aktibo sa environmentalism ang ilang kooperatiba, gaya ng pinagsama-samang koop ng mga junkyard sa Metro Manila na epektibong nagsusulong ng recycling at ng segregation. Alam ko ‘yan. Kaugnay yan ng programang Linis-Ganda na pinamumunuan ni “Recycling Queen” Narda Camacho. At meron din tayong magandang napag-alaman sa Moncada, Tarlac... A,
oo! Nag-research ka pa nga doon last year, di ba? Yun pong Moncada Women’s Credit Cooperative, mga kaibigan, malakas na kooperatiba doon, at humakbang naman iyon para lutasin ang problema ng komunidad, ang problema sa palengkeng mabaho na noon dahil di nakokolekta ang lahat ng basura. Ang ginawa nuong koop, nakipagkontrata sa munisipyo at binili ang lahat ng basura, pinag-hiwa-hiwalay, ang di nabubulok ay ibinenta, at ang nabubulok ay ginawang organic fertilizer. ‘Yon! At ayon nga sa ulat, kumita na sila nang husto, naubos pa ang basura sa palengke at nawala agad ang masamang amoy doon! Ngayon, namimili na rin sila ng basura sa mga karatig-bayan. Tingnan mo nga naman! At yung fertilizer nila, binibili ng Department of Agriculture. Sabi ng nakausap kong meyor doon, si Estelita Aquino, na dating pangulo ng koop, ginawa nila iyon para sa kalusugan ng publiko, kabilang na ang kanilang mga myembro at pami-pamilya ng mga myembro. Meron namang mga koop na nagpapatakbo ng mga programang pangkabuhayan, para mapigilan ang ilan nilang kababayan na sa kagipitan sa buhay ay namiminsala sa kagubatan. Marami talagang pwedeng gawin! Imagine kaya nating ang buong bansang Pilipinas ay isang malaking koop. Paano natin aalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng myembro; paano natin mapangangalagaan ang kapital na nakaimbak sa kalikasan? Di ba sa sama-samang malasakit, sama-samang pananagutan at sama-samang pamamahala? Di ba’t sa pagsasanib-sanib ng lakas ng lahat ng kasapi, na siyang kaluluwa ng kooperatibismo? Korek ka diyan! Ano nga ba ang saysay ng kaalaman natin sa diwa ng tunay na kooperatiba kung di tayo magsasama-sama para lalong palalimin ang ating pag-ako ng tungkulin at matagumpay na mapangalagaan itong ating kapaligiran? Para sa ating lahat naman ito, di ba? Ang isa pang maganda sa sektor-kooperatiba, may kakayahan itong abutin ang mga mamamayan sa mga komunidad, hanggang sa kasuluk-sulukang pook ng ating bayan. Kumbaga, kuha ng mga kooperatiba ang damdamin at adhikain ng mga simpleng mamamayang bumubuo sa karamihan ng mga Pinoy. Sali na tayo sa malawak na kooperasyon para sa kapaligiran, mga kababayan at ka-bayanihan!
|
||
TINIG NG MGA
KOOPERATIBA |
Inilalabas tuwing Miyerkoles ng Bayan News Publishing Cooperative at nagtatampok sa mga kaganapan at usapin ng mga kooperatiba ng Pilipinas, patakaran, programa at batas at lahat ng iba pang dapat malaman ng mga namumuno, nagtataguyod at nag-aaral sa mga kooperatiba. May opisina ito sa Cor. Sta. Catalina and Biak-na-Bato sts., Bgy. Sienna, Quezon City. Para sa dealership o subscriptions, tumawag po sa 4144733. |
|