. COOPERATIVE EDUCATION ON SYNERGISM Sanib-Kolum nina Ding Reyes at Joydee Robledo . |
(This page has a CYBER TALK-BACK instant feedback box at the bottom.) |
Ang Hamong Kaharap ni Ka Obet (2) (Hulyo 11, 2001) MAYSAKIT
pa rin ngayon itong Sanib-Kolum, epekto pa rin ng matagal nang
pagkakasakit ni Joydee na katambal ko rito. Pero tulad sa naunang labas,
may nakukuhang enerhiya mismo sa paksa nito ngayon, si dating Bulacan
Gov. Obet Pagdanganan at ang bago niyang pinamumunuang organisasyon, ang
Philippine Cooperative Center o PCC. Mabigat
ang hamon kay Ka Obet at sa PCC. Mabigat kasi ang problema ng mga
kooperatiba, at ito ay kakulangan ng pagkakaisa.
Oo nga’t may mga buklurang gaya ng mga unyon at pederasyon na
nagbubuklod sa primary cooperatives. Pero di sapat na nag-uugnay-ugnayan
ang mga koop. Kulang pa sila sa pakikipagnegosyo sa isa’t isa, sa
“enterprise interphasing.” Ang pangunahin sanang bibilhan ng hilaw
na sangkap ng mga koop ay koop din, at ang pangunahin sanang bibili ng
produkto ng koop ay koop din. Kung magagawa iyon, lalakas ang mga koop
sa larangang sadyang nasa sentro ng kanilang buhay, ang sama-samang
pagnenegosyo ng mga myembro, at sa paglakas ng koop ay matitiyak ang
lahat ng serbisyong dapat asahan ng mga kasapi. At lalakas talaga ang
pagkakaisa. Patunay
na humihina pa ang pagkakaisa ng sektor-kooperatiba ang nangyari nitong
eleksyon. Hindi na nga naipasok sa Senado si Ka Obet, nawala pa ang
dating pwesto sa Kongreso ng Coop-NATCCO party-list. Sa dami na lang ng
myembro ng koop sa buong Pilipinas, mas mahusay sanang resulta ang
lumitaw noong Mayo. May
pagkakataon ngayon ang PCC, sa pamumuno ni Ka Obet, na magbunsod ng mga
proyekto para sa panloob na paglakas ng sektor-koop. Maganda ang joint
project ng UNDP (UN Development Programme), CDA (Coop Development
Authority) at PCC para sa maraming malalakas na tambalan ng mga
kooperatiba at pamahalaang lokal, pero kung walang panloob na lakas ang
mga koop, hindi magiging patas at malusog ang ganoong mga tambalan. Mismong
si Cesar Liporada ng UNDP, isa sa nagtulak ng proyekto para sa coop-LGU
partnerships, ay nagsabing matagal na niyang hinihintay na magkaroon ng
iisang tinig at tindig ang sektor-koop. Si Ka Obet naman ay nanawagan na
noong 1999 para sa isang “rebolusyon ng mga kooperatiba” upang
kamtin ang nararapat nilang papel sa ekonomiya. Kung mabubuhay ni Ka
Obet ang tunay na pagsasanib-lakas kahit man lamang ng buong PCC Board,
makakatindig na ang PCC mismo bilang nag-iisang tinig na hinihintay
marinig ni Ces. Tiyak na kaya ‘tong gawin ni Ka Obet. Si Obet Pagdanganan kasi ay kilalang tagapamandila ng prinsipyo ng pagsasanib-lakas o synergism. Bawat kooperatiba ay dapat sanib-lakas ng lahat ng myembro, at ang buong sektor naman ay dapat makatindig bilang sanib-lakas ng lahat ng kooperatiba sa bansa. Pagtulung-tulungan natin!
|
||
TINIG NG MGA
KOOPERATIBA |
Inilalabas tuwing Miyerkoles ng Bayan News Publishing Cooperative at nagtatampok sa mga kaganapan at usapin ng mga kooperatiba ng Pilipinas, patakaran, programa at batas at lahat ng iba pang dapat malaman ng mga namumuno, nagtataguyod at nag-aaral sa mga kooperatiba. May opisina ito sa Cor. Sta. Catalina and Biak-na-Bato sts., Bgy. Sienna, Quezon City. Para sa dealership o subscriptions, tumawag po sa 4144733. |
|