. SANIBLAKAS FOUNDATION COOPERATIVE EDUCATION ON SYNERGISM Sanib-Kolum nina Ding Reyes at Joydee Robledo . |
(This page has a CYBER TALK-BACK instant feedback box at the bottom.) |
Ang Hamong Kaharap ni Ka Obet (1) (Hulyo 4,2001) KAILANGAN kong pag-ibayuhin ang
sigasig sa paggawa ngayon ng Sanib-Kolum, dahil maysakit ang katambal ko
rito, mag-iisanlinggo na ang lagnat. Ibig sabihin, kapos sa kalahati ang
enerhiya ngayon ng kolum. Sa malakas na teamwork, pag wala ang isa,
matindi ang kabawasan. Sa amin kasing pagsasanib-lakas, ang nagiging
pormula ay one plus one equals three o mahigit pa. (Pagaling ka agad,
Joydee!!!) Buti na lang, mga kaibigan, di naman sukat ikatamlay ng Sanib-Kolum ang paksa ngayon—si dating Bulacan Gov. Roberto “Obet” Pagdanganan. Nahalal si Obet kamakailan bilang chairman ng Philippine Cooperative Center, pinakamalaking bukluran ng mga alyansa, unyon at pederasyon ng mga kooperatiba sa Pilipinas. Dama agad sa PCC General Assembly na tiyak nang si Ka Obet ang lalabas na pinuno. Di naman dahil kapos sa husay ang naunang mga pinuno ng PCC, sina Myron Gawigawen, Noni Bacani at Lex Borja. Katunaya’y magagaling sila! Pero iba pa rin yung nakagawa na ng magandang record sa pagpapalakas ng kooperatibismo bilang isang pinuno sa pamahalaan. Nagsisilbi nang huwaran sa buong kapuluan ang malalaking tagumpay ng kilusang koop sa Bulacan sa ilalim ng pamumuno noon ni Gob. Obet. Mula naman nang maitayo ang PCC noong 1998 sa tulong ni Makati Rep. Butz Aquino, nagkaroon na ng pormal na pagkakaisa ang naglalakihang mga buklurang tulad ng National Confederation of Cooperatives (NATTCO) at Cooperative Union of the Philippines (CUP), pati ang di kasinlaking National Cooperative Movement (NCM na pinamumunuan ni Obet) at marami pang iba. Sa pagkakaroon agad ng PCC ng sariling gusali mula sa Countrywide Development Fund ni Butz, nagkaroon ng tagpuan para sa lahat ng lider-koop sa bansa. Kaya lang, kahit nagsimula na itong magkaroon ng iba’t ibang proyekto di agad nakilala ang PCC. Akala ng marami, building lang ang PCC. Buti nga, pinalitan na ang PCC logo na nagtatampok nga sa building. Akala nila, ang proyekto para sa tambalang coop-LGU (local government units po) ay proyeto lang ng UNDP (United Nations Development Program naman ito) na katambal ng CDA (Coop Development Authority) at may opisina lang sa PCC Bldg. Hindi
pa talaga nabubuo ang nagkakaisang kamalayan, ang mahigpit na
pagbubuklod, ang sama-samang pagtayo, ng sektor-kooperatiba sa ating
bansa. Hiwa-hiwalay na lumalapit ang iba’t ibang koop sa mga ahensya
ng gobyerno para sa mga transaksyon na inaakalang makapagpapalakas sa
kani-kanilang pinansya. Wala pang nag-iisang diwa, utak, puso at tinig
ang sektor. May pagkakataon ang PCC na pumuno sa kakulangang ito at
kilalaning tagapagbuklod ng buong sektor-kooperatiba sa bansa. At
nasa posisyon ngayon si Ka Obet na katawanin agad, sa loob muna ng PCC
Board of Directors, at paglaon ay sa malawak na kilusang koop, ang
pagbubuklod at nagkakaisang pagbabangong ito. Noong 1999, naglabas siya
ng librong nananawagang magkaroon ng isang “Cooperative Revolution”
upang ang mga koop ay maging matatag na haligi ng industriya, ng negosyo,
ng buong ekonomiya ng Pilipinas. Ganoon kasi kalakas ang mga kooperatiba
sa ibang bansa. Hindi sila umuutang lang sa bangko, kanila ang bangko. Ang mga kooperatiba’y di na mananatiling matamlay, sintamlay yata ng maysakit kong kaibigan. Hindi na mga kooperatibang pahingi-hingi ng pautang o limos. Kundi mga kooperatibang karapat-dapat na tawaging matatag at produktibong pagsasanib-lakas ng isinasaping kilos, talino at puhunan ng laksa-laksang myembro ng mga ito. Mabuhay ka, Ka Obet at ang buong PCC! |
||
TINIG NG MGA
KOOPERATIBA |
Inilalabas tuwing Miyerkoles ng Bayan News Publishing Cooperative at nagtatampok sa mga kaganapan at usapin ng mga kooperatiba ng Pilipinas, patakaran, programa at batas at lahat ng iba pang dapat malaman ng mga namumuno, nagtataguyod at nag-aaral sa mga kooperatiba. May opisina ito sa Cor. Sta. Catalina and Biak-na-Bato sts., Bgy. Sienna, Quezon City. Para sa dealership o subscriptions, tumawag po sa 4144733. |
|