. SANIBLAKAS FOUNDATION COOPERATIVE EDUCATION ON SYNERGISM Sanib-Kolum nina Ding Reyes at Joydee Robledo . |
(This page has a CYBER TALK-BACK instant feedback box at the bottom.) |
‘Building Blocks’ ng Malakas na Ekonomya (Disyembre 12, 2001) TINALAKAY
po namin ni Joydee, nitong nakaraang labas lang bago ng kolum na ito,
ang social capital. Ito po yung importanteng yaman ng komunidad na wala
sa anyo ng pera. Pero tunay na yaman ito ng lipunan o social resource na
naipupuhunan nila sa negosyo at pag-asenso. Nasa anyo po ito nga
pinagsama-samang pag-uugnayan, pagtuturingan, pagmamalasakitan,
pagtitiwalaan at buhay na pagkakaisa sa hanay ng mga taong bumubuo ng
komunidad. Maliban nga po kasi sa puhunang pera, kailangan ng koop ang panloob na
puhunan na kasama ang kasigasigan at kakayahan ng mga kasapi, at ang
mas malawak na puhunan sa anyo ng pagkakaisa ng komunidad.
Ito nga ang social capital. Maliban sa mga sinabi ni Ding,
kasama sa social capital ang kamalayan at pagpapahalaga ng lahat ng
bumubuo ng komunidad sa kanilang kultura, kasaysayan at sama-samang
hinaharap. Pasukin po natin ang konsepto ng building blocks, mga kaibigan, ang
matitibay na bahagi ng matibay na kabuuan. Alam naman natin ang ampaw,
alam natin ang chicharon… Nagugutom ka na naman? Kakakain mo lang, ah! Ha-ha-ha! Busog pa naman ako. Gagamitin ko lang na simbolo itong ampaw,
chicharon, kropek, at isama pa natin pati ang cotton candy.
Alam n’yo ba na sa biglang tingin ay parang nakakabusog ang mga
ito, laluna kung malaki tulad nga nitong cotton candy, para talagang
marami kang mailalagay sa tiyan mo pag kumain ka nito. Pero sa totoo
lang di ka mabubusog dahil ang karamihan pong makakain d’yan ay…
tan-tata-taaaan! Hangin!
Halos puro hangin! Hangin
nga! At ni hindi mo nga
makakain ang hangin dahil tumatakas ito kapag kinagat mo na ang ampaw o
ang kropek… Oo naman, malaki pero puno ng hangin. Parang styrofoam. Kumakain ka ng Styrofoam?? Ha-ha-ha! Syempre naman hinde, ano?! Mabalik po tayo, mga kaibigan, ginamit ko po ang mga ito para patunayang hindi tayo dapat kara-karakang humanga sa laki ng isang bagay, huwag tayong pasisindak porke’t malaki! Madalas, wala yan!!! Maraming malaking bagay ang mahina, puro hangin! Karamihan naman, di gano’n. Halimbawa, may isang malaking organisasyon. Maaaring napakalaki niyan, libu-libo o daang libo pa ang myembro! Yumpala, halos lahat eh mga myembro lang sa pangalan. Hindi aktibo. Nanonod lang, pero kasapi raw. Marami tayong ganyang mga samahan sa Pilipinas. Ang
malungkot pa niyan, kabilang din sa mga organisasyong ampaw ang ilang kooperatiba.
Di bale sana kung social club lang o kaya fans club ng artista,
okey lang kung ampaw. Pero sa laki ng importansya ng isang koop, di
pwedeng gano’n! Dahil sa
isang koop…sabi nga sa kanta natin… Sanib-sanib sa ating layunin,
kilos at sa kakamtin! Laluna kung may malaking pondong hawak,
sama-sama silang nananagot sa isa’t isa at sa lipunan para sa mahusay
na pangangalaga, at pagpapalago pa ng ganoon kalaking pondo.
Dalhin natin sa ekonomiya. Kapag titingnan mo ang mga national economic indicators, ang gross national product, ang pambansang badyet, etc. etc., puro napakalaki! Pero ano ang bumubuo sa pambansang ekonomiya? Hangin!!! Puro tayo buy-and-sell, at mga middlemen lang ang nakikinabang. Kapos tayo sa ikinabubuhay, dahil kapos sa paglikha ng mga produkto at mga serbisyo sa tao. Kaya pati tuloy kalikasan at pati mga tao mismo, ibinebenta na natin sa ibang bansa. Malalaki ang numero sa ating ekonomya, pero natutugunan ba ang talagang mga kailangan ng komunidad? Hinde!!! Ang ekonomya kasi natin ay piyesa lang ng globalisasyon. Ang tindi, ‘no? Ano kaya’t sikapin nating gawing ‘building blocks’ ng isang tunay na pambansang ekonomya ang mga kooperatibang hindi ampaw? Gawin natin sa pagsasanib-sanib ng lakas ng mga myembro sa koop, at ng mga koop mismo. Kaya natin ‘yan! |
||
TINIG NG MGA...
...KOOPERATIBA |
Inilalabas tuwing Miyerkoles ng Bayan News Publishing Cooperative at nagtatampok sa mga kaganapan at usapin ng mga kooperatiba ng Pilipinas, patakaran, programa at batas at lahat ng iba pang dapat malaman ng mga namumuno, nagtataguyod at nag-aaral sa mga kooperatiba. May opisina ito sa Cor. Sta. Catalina and Biak-na-Bato sts., Bgy. Sienna, Quezon City. Para sa dealership o subscriptions, tumawag po sa 4144733. |
|